The Parable of the Sower
Banal na Bibliya (Tagalog ULB)
Mat 13:1–9
- 1 Sa araw na iyon ay lumabas ng bahay si Jesus at umupo sa tabi ng dagat.
- 2 May napakaraming bilang ng tao ang pumalibot sa kaniya kaya sumakay siya sa isang bangka at umupo doon. Ang lahat ng tao ay tumayo sa dalampasigan.
- 3 At nagsabi si Jesus sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinghaga. Kaniyang sinabi, “Masdan ito, isang manghahasik ang lumabas upang maghasik.
- 4 Sa kaniyang paghahasik, nahulog ang ilang mga binhi sa tabi ng daan, dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito.
- 5 Ang ibang mga binhi naman ay nahulog sa mabatong lupa kung saan kakaunti lamang ang lupa. Ang mga ito ay mabilis na tumubo sapagkat mababaw lamang ang lupa.
- 6 Ngunit nang sumikat na ang araw, ang mga ito ay natuyo dahil wala itong mga ugat, at nalanta ang mga ito.
- 7 Ang ibang mga binhi ay nahulog sa may mga matitinik na halaman. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito.
- 8 Ang ibang mga binhi ay nahulog sa mabuting lupa at ang mga ito ay namunga, ang iba ay tig-iisandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tigtatatlumpu.
- 9 Ang may taingang pandinig, ay makinig.”
Mrk 4:1–9
- 1 Muli siyang nagsimulang mangaral sa tabi ng dagat. At nagtipun-tipon ang napakaraming tao sa paligid niya, kaya sumakay siya sa bangka na nasa dagat at naupo. Ang mga tao ay nasa tabi ng dagat sa dalampasigan.
- 2 At tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, at sinabi niya sa kanila sa kaniyang pagtuturo,
- 3 “Makinig kayo, lumabas ang manghahasik upang maghasik.
- 4 Habang siya ay naghahasik, mayroong mga binhing napunta sa daan at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito.
- 5 Ang ibang mga binhi ay napunta sa mabatong lupa na kung saan ang lupa ay kakaunti lamang. Agad silang tumubo dahil hindi malalim ang lupa nito.
- 6 Ngunit nang sumikat ang araw, nalanta ang mga ito at dahil wala silang ugat natuyo ang mga ito.
- 7 Ang ibang mga binhi ay napunta sa tinikan. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito, at hindi ito nakapamunga ng kahit isang butil.
- 8 Napunta sa matabang lupa ang ibang binhi at nagkabutil habang lumalago at dumarami, at may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisangdaan”.
- 9 At sinabi niya, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig!”
Luk 8:4–8
- 4 Ngayon, nang ang napakaraming bilang ng tao ay nagtipun-tipon, kasama ang mga tao na pumupunta sa kaniya mula sa iba't-ibang mga lungsod, siya ay nagsalita sa kanila gamit ang isang talinghaga.
- 5 “May isang manghahasik na lumabas upang maghasik ng mga butil. Sa kaniyang paghahasik, ang ilang mga butil ay nahulog sa tabi ng daan at ang mga ito ay natapakan, at nilamon ang mga ibon sa langit ang mga ito.
- 6 Ang ibang mga butil ay nahulog sa mabatong lupa, at agad sa kanilang pagtubo, ang mga ito ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig.
- 7 Ang ibang mga butil naman ay nahulog sa mga matitinik na halaman, at ang mga matitinik na halaman ay tumubo kasabay ng mga butil at sinakal ang mga ito.
- 8 Ngunit ang ilang mga butil ay nahulog sa mabuting lupa at namunga ng higit pa sa isandaan.” Pagkatapos na sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay nangusap, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig siya.”