The Mission of the Twelve
Banal na Bibliya (Tagalog ULB)
Mat 10:5–15
- 5 Ipinadala ni Jesus ang labindalawang ito. Tinagubilinan niya ang mga ito at sinabi, “Huwag kayong pumunta sa alin mang lugar na tinitirhan ng mga Gentil, at huwag kayong papasok sa alin mang bayan ng mga Samaritano.
- 6 Sa halip, pumunta kayo sa mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel.
- 7 At sa pagpunta ninyo, ipangaral ninyo at sabihing, 'Ang kaharian ng langit ay nalalapit na.'
- 8 Pagalingin ninyo ang may sakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin, at palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang walang bayad, ipamigay ninyo nang walang bayad.
- 9 Huwag kayong magdala ng anumang ginto, pilak o tanso sa inyong mga pitaka.
- 10 Huwag kayong magdala ng panglakbay na lalagyan, o dagdag na tunika, ni sandalyas, o di kaya'y tungkod, sapagkat nararapat sa manggagawa ang kaniyang pagkain.
- 11 Anumang lungsod o nayon ang inyong mapuntahan, hanapin ninyo ang karapat-dapat at manatili kayo doon hanggang sa kayo ay aalis.
- 12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang mga nandoon.
- 13 Kung ang bahay ay karapat-dapat, pumaroon ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, hayaan ninyong bumalik ang inyong kapayapaan sa inyo.
- 14 Sa mga hindi naman tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, kapag kayo ay umalis sa bahay o lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang mga alikabok mula sa inyong mga paa.
- 15 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mas mapagtitiisan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra sa araw ng paghuhukom kaysa sa lungsod na iyon.
Mrk 6:7–13
- 7 Tinawag niya ang Labindalawa at sinimulan silang isugo ng dalawahan at binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu,
- 8 at ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang tinapay, walang sisidlan at wala ring pera nailalagay sa kanilang sinturon,
- 9 kundi magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dalawang tunika.
- 10 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa tuwing papasok kayo sa isang bahay, manatili kayo doon hanggang makaalis kayo sa lugar na iyon.
- 11 At kung mayroong bayan na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo sa lugar na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.
- 12 Humayo sila at inihayag na dapat talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan.
- 13 Pinalayas nila ang maraming demonyo at pinahiran nila ng langis ang mga taong may sakit at pinagaling sila.
Luk 9:1–6
- 1 Tinawag niya ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatan laban sa lahat ng mga demonyo at upang magpagaling ng mga sakit.
- 2 Sila ay isinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang pagalingin ang mga may sakit.
- 3 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdadala ng anuman para sa inyong paglalakbay—maging tungkod, o pitaka, o tinapay o salapi—ni magdala ng dalawang panloob na tunika.”
- 4 Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo doon hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon.
- 5 Para naman sa mga hindi tatanggap sa inyo, kung kayo ay aalis sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”
- 6 Pagkatapos sila ay umalis at pumunta sa mga nayon, ipinapahayag ang magandang balita at nagpapagaling ng mga tao sa lahat ng dako.