MEGA.Bible Maghanap
Tagalog

The Fall of Jerusalem

Banal na Bibliya (Tagalog ULB)

2Ki 25:1–21

  1. 1 Nangyari ito na sa ika-siyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias, sa ika-sampung buwan, at sa ika- sampung araw ng buwan, dumating si Nebucadnezar hari ng Babilonia kasama ng lahat ng kaniyang hukbo laban sa Jerusalem. Nagkampo siya sa harap nito, at nagtambak ng lupa sa paligid ng mga pader.
  2. 2 Kaya kinubkob nila ang lungsod hanggang sa ika-labing isang taon ng paghahari ni Haring Zedekias.
  3. 3 Sa ika-siyam na araw ng ika-apat na buwan ng taong iyon, napakatindi ng taggutom sa lungsod kung kaya't walang pagkain para sa mga mamamayan ng lupain.
  4. 4 Pagkatapos pinasok ang lungsod, at kinagabihan tumakas ang lahat ng mga lumalaban na kalalakihan sa gabi sa pamamagitan ng tarangkahan sa pagitan ng dalawang pader, sa may hardin ng hari, kahit na nasa buong paligid ng lungsod ang mga Caldean. Pumunta ang hari patungo sa Araba.
  5. 5 Pero hinabol ng hukbo ng mga Caldean si Haring Zedekias at inabutan siya sa mga kapatagan ng lambak ng Ilog Jordan malapit sa Jerico. Lahat ng kaniyang hukbo ay nagkaniya-kaniyang takas palayo mula sa kaniya.
  6. 6 Binihag nila ang hari at dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, kung saan hinatulan siya nila.
  7. 7 Tungkol sa mga anak na lalaki ni Zedekias, pinatay nila sila sa harap ng kaniyang paningin. Pagkatapos dinukot niya ang kaniyang mga mata, ginapos sa mga tansong tanikala, at dinala siya sa Babilonia.
  8. 8 Ngayon sa ika-limang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, na nasa ika-labing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar hari ng Babilonia at pinuno ng kaniyang mga tanod, dumating sa Jerusalem si Nebuzaradan, isang lingkod ng hari ng Babilonia.
  9. 9 Sinunog niya ang tahanan ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; sinunog din niya ang bawat mahalagang gusali sa lungsod.
  10. 10 Tungkol sa lahat ng mga pader na nakapaligid sa Jerusalem, winasak ang mga iyon ng lahat ng hukbo ng mga taga-Babilonia na nasa ilalim ng pinuno ng mga tanod.
  11. 11 Tungkol sa nalalabing mga tao na naiwan sa lungsod, ang mga sumuko sa hari ng Babilonia, at ang nalalabi sa populasyon - itinapon sila ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod.
  12. 12 Pero iniwan ng pinuno ng tanod ang ilan sa pinakamahihirap ng bayan para gumawa sa mga ubasan at mga bukirin.
  13. 13 Tungkol sa mga haliging tanso na nasa tahanan ni Yahweh, at ang mga patungan at ang tansong dagat na nasa tahanan ni Yahweh, pinagpira-piraso ang mga iyon ng mga Caldean at dinala ang tanso sa Babilonia.
  14. 14 Ang mga palayok, pala, lalagyan ng abo, kutsara, at lahat ng mga kagamitang tanso na ginamit ng mga pari para maglingkod sa templo - tinangay rin ng mga Caldean lahat ng mga iyon.
  15. 15 Ang mga palayok para alisin ang mga abo at ang mga hugasan na gawa sa ginto, at ang mga gawa sa pilak - kinuha rin ang mga iyon ng kapitan ng bantay ng hari.
  16. 16 Ang dalawang haligi, ang dagat, at ang mga patungan na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh ay naglalaman ng tanso na higit pa kaysa kayang timbangin.
  17. 17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang tansong kapitel sa ibabaw nito. Ang kapitel ay tatlong siko ang taas, na may mga sala-salang palamuti at mga granada sa paligid ng kapitel - lahat gawa sa tanso. Ang ikalawang haligi at ang sala-salang palamuti nito ay kapareho ng una.
  18. 18 Binihag ng pinuno ng tanod si Seraya, ang punong pari, kasama ni Zefanias, ang ikalawang pari, at ang tatlong bantay ng tarangkahan.
  19. 19 Mula sa lungsod, binihag niya ang isang opisyal na tagapamahala ng mga sundalo, at limang lalaki sa mga tagapayo ng hari, na nasa lungsod pa. Binihag niya rin ang opisyal ng hukbo ng hari na namamahala sa pangangalap ng mga lalaking papasok sa hukbo, kasama ang animnapung mahahalagang lalaki mula sa lupain na nasa lungsod.
  20. 20 Pagkatapos kinuha sila at dinala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod, sa hari ng Babilonia sa Ribla.
  21. 21 Ipinapatay sila ng hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan, naitinapon ang Juda mula sa lupain nito.

2Ch 36:17–21

  1. 17 Kaya dinala ng Diyos sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataan sa pamamagitan ng mga tabak sa santuwaryo at walang habag sa mga kabataang lalaki o mga birhen, mga matatandang lalaki o ang mga puti na ang buhok. Ibinigay silang lahat ng Diyos sa kaniyang kamay.
  2. 18 Lahat ng kagamitan ng tahanan ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa tahanan ni Yahweh at ang mga kayamanan ng hari at kaniyang mga opisyal—ang lahat ng mga ito ay dinala niya sa Babilonia.
  3. 19 Sinunog nila ang tahanan ng Diyos, giniba nila ang pader ng Jerusalem, sinunog ang lahat ng mga palasyo nito, at winasak ang mga magagandang bagay sa loob nito.
  4. 20 Dinala ng hari sa Babilonia ang mga nakaligtas sa tabak. Sila ay naging lingkod niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa nangyari ang pamumuno ng kaharian ng Persia.
  5. 21 Nangyari ito upang maganap ang salita ni Yahweh sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa masiyahan ang lupain sa kaniyang Araw ng Pamamahinga. Sapagkat habang ang lupain ay pinabayaan ipinagdiwang nito ang Araw ng Pamamahinga sa loob ng pitumpung taon.

Jer 52:4–27

  1. 4 Nangyari na sa ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias, sa ikasampung buwan, at sa ikasampung araw ng buwan, dumating si Nebucadnezar na hari ng Babilonia, kasama ang lahat ng kaniyang mga hukbo laban sa Jerusalem. Nagkampo sila sa kabila nito, at nagtayo sila ng pader sa palibot nito.
  2. 5 Kaya ang lungsod ay nilusob hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Haring Zedekias.
  3. 6 Sa ikaapat na buwan, sa ikasiyam na araw ng taon na iyon, matindi ang taggutom sa lungsod na walang pagkain para sa mga tao ng lupain.
  4. 7 Pagkatapos nilusob at winasak ang lungsod, at ang lahat ng mga kalalakihang mandirigma ay tumakas at lumabas sa lungsod sa gabi, dumaan sila sa tarangkahan na nasa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari, kahit na ang mga Caldea ay nakapalibot sa lungsod. Kaya nagtungo sila sa direksiyon ng Araba.
  5. 8 Ngunit hinabol ng mga Caldean ang hari at inabot si Zedekias sa kapatagan ng Ilog Jordan na malapit sa Jerico. Ang lahat ng kaniyang hukbo ay nagkalat palayo sa kaniya.
  6. 9 Binihag nila ang hari at dinala sa hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat, kung saan niya ibinigay ang hatol sa kaniya.
  7. 10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa kaniyang harapan, at pinatay din niya sa Ribla ang lahat ng mga pinuno ng Juda.
  8. 11 Pagkatapos dinukot niya ang mga mata ni Zedekias, at iginapos siya ng tansong tanikala at dinala siya sa Babilonia. Ikinulong siya ng hari ng Babilonia hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.
  9. 12 Ngayon sa ikalimang buwan, sa ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Haring Nebucadnezar, na hari ng Babilonia, dumating si Nebuzaradan sa Jerusalem. Siya ang pinuno ng mga bantay ng hari at isang lingkod ng hari ng Babilonia.
  10. 13 Sinunog niya ang tahanan ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay sa Jerusalem. Ganoon din sinunog niya ang lahat ng mga mahahalagang gusali sa lungsod.
  11. 14 Ang mga pader naman sa palibot ng Jerusalem ay winasak ng lahat ng hukbo ng Babilonia kasama ng pinuno ng mga bantay.
  12. 15 At ang mga pinakamahihirap na tao, ang mga taong naiwan sa lungsod, ang mga nagsitakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang mga nalabing manggagawa—dinalang bihag ni Nebuzaradan, na pinuno ng mga bantay, ang ilan sa kanila ay ipinatapon.
  13. 16 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan, na pinuno ng bantay, ang ilan sa mga pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa ubasan at sa mga bukid.
  14. 17 Ang mga posteng tanso naman na nasa tahanan ni Yahweh, at ang mga patungan at ang dagat na tanso na nasa tahanan ni Yahweh, sinira at dinurog ng mga Caldea sa malilit na piraso ang tanso at dinala sa Babilonia.
  15. 18 Ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga mangkok, at lahat ng mga kagamitang tanso na ginagamit ng mga pari sa paglilingkod sa templo ay kinuhang lahat ng mga Caldea.
  16. 19 Ang mga palanggana at ang mga sunugan ng insenso, ang mga mangkok, mga palayok, mga kandelero, at mga palanggana na gawa sa ginto, at ang mga gawa sa pilak ay kinuha rin ng kapitan ng bantay ng hari.
  17. 20 Ang dalawang poste, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang tansong toro na nasa ilalim ng mga patungan, ang mga bagay na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh ay naglalaman ng maraming tanso na higit sa kanilang kayang timbangin.
  18. 21 Ang poste ay may taas na labing walong kubit bawat isa, at ang bawat paikot ay nasukat ang bawat isa ng labindalawang kubit. Ang bawat isa ay may apat na daliri ang kapal ngunit walang laman sa loob.
  19. 22 May pangunahing tanso sa ibabaw nito. Ang sukat nito ay may limang kubit ang taas, na may palamuti at mga granada sa palibot. Ang lahat ay gawa sa tanso. Ang ibang poste at mga granada ay kapareho ng nauna.
  20. 23 Kaya mayroong siyamnapu't anim na granada sa tagiliran ng kapitel, at isandaang granada sa itaas ng nakapalibot na palamuti.
  21. 24 Dinalang bihag ng pinuno ng bantay si Seraias, na pinakapunong pari, kasama si Zepanias, na pangalawang pari, at ang tatlong bantay ng tarangkahan.
  22. 25 Mula sa lungsod dinala niyang bihag ang isang opisyal na namamahala sa mga kawal, at pitong mga kalalakihan na tagapayo ng hari, na nananatili sa lungsod. Kinuha din niyang bilanggo ang opisyal ng hukbo ng hari na tumatawag sa mga kalalakihan para maging kawal, kasama ang animnapung mahahalagang mga kalalakihan mula sa lupain na nasa lungsod.
  23. 26 Pagkatapos kinuha at dinala sila ni Nebuzaradan, na pinuno ng bantay, sa hari ng Babilonia sa Ribla.
  24. 27 Ipinapatay sila ng hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan lumabas ang Juda sa lupain nito sa pagpapatapon.