MEGA.Bible Maghanap
Tagalog

The Death of John the Baptist

Banal na Bibliya (Tagalog ULB)

Mat 14:1–12

  1. 1 Nang mga panahon na iyon, narinig ni Herodes na tetrarka ang mga balita tungkol kay Jesus.
  2. 2 Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na Tagapagbautismo, muli siyang nabuhay mula sa mga patay. Kaya ang mga kapangyarihang ito ay gumagawa sa kaniya.”
  3. 3 Sapagkat ipinadakip ni Herodes si Juan, iginapos siya at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe.
  4. 4 Sapagkat sinabi ni Juan sa kaniya, “Labag sa batas na gawin mo siyang asawa mo.”
  5. 5 Nais ni Herodes na siya ay ipapatay subalit natatakot siya sa mga tao sapagkat itinuring nila itong propeta.
  6. 6 Ngunit noong dumating ang kaarawan ni Herodes, ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw sa gitna at nalugod si Herodes.
  7. 7 Bilang tugon, nangako siya na may panunumpa na ipagkakaloob ang anumang hihilingin nito.
  8. 8 Pagkatapos matagubilinan ng kaniyang ina, sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito, sa isang bandihado, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
  9. 9 Lubhang nabalisa ang hari dahil sa kaniyang kahilingan, ngunit dahil sa kaniyang sumpang binitawan at dahil sa lahat ng naroon sa hapunan na kasama niya, iniutos niya na ito ay mangyari.
  10. 10 Nag-utos siya at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.
  11. 11 Pagkatapos ay dinala ang kaniyang ulong nasa bandihado at ibinigay sa babae at dinala niya ito sa kaniyang ina.
  12. 12 Pagkatapos nito ay dumating ang kaniyang mga alagad at kinuha ang kaniyang bangkay at saka inilibing. Pagkatapos nito, umalis sila at ibinalita ito kay Jesus.

Mrk 6:14–29

  1. 14 Nabalitaan ito ni Haring Herodes sapagkat kilalang-kilala na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay binuhay mula sa mga patay at dahil dito, ang mga kamangha-manghang kapangyarihang ito ang kumikilos sa kaniya.”
  2. 15 Sinasabi ng iba, “Siya si Elias.” Sinabi pa ng iba, “Siya ay isang propeta, tulad ng isa sa mga propeta noong sinaunang panahon.”
  3. 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya, “Si Juan na pinugutan ko ng ulo ay binuhay.”
  4. 17 Sapagkat mismong si Herodes ang nagpadakip kay Juan at ipinagapos siya sa bilangguan dahil kay Herodias, (asawa ng kapatid niyang si Felipe) dahil naging asawa niya ito.
  5. 18 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, “Hindi naaayon sa batas na mapasaiyo ang asawa ng iyong kapatid.”
  6. 19 Ngunit nagkimkim ng galit si Herodias laban sa kaniya at gusto niya itong patayin, ngunit hindi niya magawa,
  7. 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan, alam niyang matuwid at banal na tao si Juan, at pinanatili niya itong ligtas. At sa pakikinig nito sa kaniya ay labis siyang nabagabag, subalit siya ay nakinig sa kaniya na may galak.
  8. 21 At dumating ang araw ng pagkakataon nang ipagdiwang ni Herodes ang kaniyang kaarawan at naghanda siya ng hapunan para sa kaniyang mga opisyal, mga pinuno ng mga kawal at mga pinuno ng Galilea.
  9. 22 Dumating ang mismong anak na babae ni Herodias at sumayaw para sa kanila at naaliw niya si Herodes at kaniyang mga panauhin. At sinabi ng hari sa babae, “Humingi ka ng kahit na anong gusto mo at ibibigay ko ito sa iyo.”
  10. 23 Sumumpa siya sa kaniya at sinabi, “Kahit na anong hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, hanggang sa kalahati ng aking kaharian.”
  11. 24 Lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina, “Ano ang dapat kong hingin sa kaniya?” Sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
  12. 25 At kaagad siyang pumasok nang nagmamadali papunta sa hari at humingi, sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nakalagay sa bandehado.”
  13. 26 Lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa pangako at sa mga panauhin, hindi niya matanggihan ang kaniyang hinihingi.
  14. 27 Kaya pinapunta ng hari ang isang kawal mula sa kaniyang mga bantay at inutusan niyang dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Pumunta ang kawal at pinugutan siya sa bilangguan.
  15. 28 Dinala niya ang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay ito ng dalaga sa kaniyang ina.
  16. 29 At nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, pumunta sila at kinuha ang kaniyang katawan at inilagay sa isang libingan.

Luk 9:7–9

  1. 7 At ngayon, narinig ni Herodes na tetrarka ang tungkol sa lahat ng mga nangyayari at siya ay lubhang nabahala, sapagkat sinasabi ng iba na si Juan na Tagapagbautismo ay nabuhay muli mula sa kamatayan,
  2. 8 at sinabi ng iba na nagpakita si Elias, at sabi ng iba na isa sa mga sinaunang propeta ang muling nabuhay.
  3. 9 Sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko si Juan, ngunit patungkol kanino itong mga bagay na naririnig ko?” At sinubukan ni Herodes na gumawa ng paraan upang makita si Jesus.