The Call of Matthew (Levi)
Banal na Bibliya (Tagalog ULB)
Mat 9:9–13
- 9 Nang si Jesus ay umalis mula doon, nakita niya ang lalake na nagngangalang Mateo na nakaupo sa lugar ng paningilan ng buwis. Sinabi niya sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo siya at sumunod sa kaniya.
- 10 Habang nakaupo si Jesus upang kumain sa bahay, masdan ito, dumating ang maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanang tao at nakisalo sila kay Jesus at sa mga alagad niya.
- 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit ang iyong guro ay kumakain kasama ng mga maniningil ng buwis at mga taong makasalan?”
- 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya,” Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga taong may malalakas na pangangatawan, iyon lamang may mga sakit.
- 13 Dapat kayong humayo at unawain ang ibig sabihin nito, 'Nais ko ay habag at hindi alay.' Sapagkat ako ay pumarito, hindi upang tawagin ang matuwid na magsisi, kundi ang mga makasalanan.”
Mrk 2:13–17
- 13 Muli siyang bumalik sa tabi ng lawa at pumunta sa kaniya ang napakaraming tao, at tinuruan sila ni Jesus.
- 14 Sa kaniyang pagdaan, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa paningilan ng buwis at sinabi sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo si Levi at sumunod siya sa kaniya.
- 15 At nang kumakain si Jesus sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang tao ang nakikisalo kay Jesus at sa kaniyang mga alagad, sapagkat marami sila na sumunod sa kaniya.
- 16 Nang makita ng mga eskriba na mga Pariseo si Jesus na kumakain kasama ang mga makasalanang tao at tagasingil ng buwis, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga tagasingil ng buwis at mga makasalanang tao?”
- 17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang mga taong malakas ang pangangatawan ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga may sakit lamang ang nangangailangan. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid na tao kundi ang mga taong makasalanan.”
Luk 5:27–32
- 27 Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, si Jesus ay umalis doon at nakita ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi, na nakaupo sa lugar kung saan siya nangongolekta ng buwis. Sinabi niya sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.”
- 28 Kaya't iniwan ni Levi ang lahat, tumayo, at sumunod sa kaniya.
- 29 Pagkatapos ay naghanda si Levi sa kaniyang bahay ng malaking handaan para kay Jesus, at maraming mga maniningil ng buwis ang nandoon, at iba pang mga taong nakasandal sa mesa ang kumakain kasama nila.
- 30 Ngunit ang mga Pariseo at kanilang mga eskriba ay nagreklamo sa kaniyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ang mga naniningil ng buwis at iba pang mga taong makasalanan?”
- 31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang mga taong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga taong may sakit lamang ang nangangailangan nito.
- 32 Hindi ako dumating upang tawagin sa pagsisisi ang mga taong matuwid, kundi tawagin sa pagsisisi ang mga taong makasalanan.”