Signs of the End of the Age
Banal na Bibliya (Tagalog ULB)
Mat 24:1–8
- 1 Lumabas si Jesus mula sa templo at nagpatuloy sa kaniyang pupuntahan. Nilapitan siya ng mga alagad niya upang ipakita sa kaniya ang mga gusali ng templo.
- 2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga ito? Totoo itong sinasabi ko sa inyo, wala ni isa mang bato na maiiwang nakapatong sa isa pang bato na hindi guguho.”
- 3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sarilinang lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, kung kailan mangyari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan sa inyong pagparito at ang katapusan ng mundo?”
- 4 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi, “Mag-ingat kayo na walang makahikayat sa inyo na mailigaw kayo.
- 5 Sapagkat marami ang paririto sa aking pangalan. Sasabihin nila, 'Ako ang Cristo,' at marami ang maililigaw.
- 6 Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Tingnan ninyo na hindi kayo mababalisa, sapagkat kailangang mangyari ang mga ito; ngunit hindi pa ito ang katapusan.
- 7 Sapagkat lalabanan ng isang bansa ang kapwa bansa, at kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom at mga lindol sa iba't ibang mga lugar.
- 8 Ngunit lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng sakit ng paghilab ng babaeng manganganak.
Mrk 13:1–8
- 1 Habang si Jesus ay naglalakad papalayo mula sa templo, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, “Guro, tingnan mo ang kamangha-manghang mga bato at mga gusali!”
- 2 Sinabi niya sa kaniya, “Nakikita ba ninyo ang naglalakihang mga gusali na ito? Walang isa mang bato ang matitira sa ibabaw ng kapwa bato, ang lahat ay maguguho.”
- 3 Nang umupo siya sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres,
- 4 “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan na ang lahat na ito ay malapit nang mangyari?”
- 5 Nagsimulang magsalita si Jesus sa kanila, “Mag- ingat kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo.
- 6 Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako siya,' at ililigaw nila ang karamihan.
- 7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan, at mga balita ng digmaan, huwag kayong mag-alala; dapat mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas.
- 8 Sapagkat makikipaglaban ang isang bansa sa kapwa niya bansa, at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga lindol sa maraming lugar at mga tag-gutom. Ito ang mga pasimula ng paghihirap na tulad ng isang babaing manganganak.
Luk 21:5–11
- 5 Habang pinag-uusapan ng ilan ang templo, kung paano ito pinalamutihan ng magagandang bato at mga handog, kaniyang sinabi,
- 6 “Patungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita, darating ang mga araw na wala ni isang bato ang maiiwan sa ibabaw ng isa pang bato na hindi babagsak.”
- 7 Kaya't siya ay kanilang tinanong, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging palatandaan kapag malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?”
- 8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang. Sapagkat maraming darating sa pangalan ko, magsasabi, 'Ako ay siya' at, 'Malapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila.
- 9 Kapag kayo ay nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak, sapagkat kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, ngunit ang wakas ay hindi kaagad na magaganap.”
- 10 At sinabi niya sa kanila, “Titindig ang isang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian.
- 11 Magkakaroon ng mga malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot. Magkakaroon ng mga kakila-kilabot na pangyayari at mga dakilang palatandaan mula sa langit.