MEGA.Bible Maghanap
Tagalog

Plucking Grain on the Sabbath

Banal na Bibliya (Tagalog ULB)

Mat 12:1–8

  1. 1 Nang panahong iyon, sa Araw ng Pamamahinga, napadaan si Jesus sa mga triguhan. Ang kaniyang mga alagad ay nagutom at nag-umpisa silang pumitas ng mga uhay at kinain iyon.
  2. 2 Ngunit nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo, ang iyong mga alagad ay gumagawa ng labag sa kautusan sa Araw ng Pamamahinga.”
  3. 3 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya ay nagutom at pati ang mga lalaking kasama niya?
  4. 4 Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos at kinain ang tinapay na handog, na labag sa kautusan na kainin niya at labag sa kautusan na kainin din ng kaniyang mga kasama, ngunit nararapat lamang sa mga pari?
  5. 5 At hindi ba ninyo nabasa sa kautusan na sa Araw ng Pamamahinga, ang mga pari sa templo ay nilalapastanganan ang Araw ng Pamamahinga ngunit hindi nagkakasala?
  6. 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang mas dakila sa templo ay narito.
  7. 7 At kung alam sana ninyo ang ibig sabihin nito, 'Ang nais ko ay habag at hindi handog,' hindi sana ninyo hinatulan ang walang kasalanan.
  8. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Mrk 2:23–28

  1. 23 Sa Araw ng Pamamahinga, pumunta si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa triguhan at nagsimulang mamitas ang kaniyang mga alagad ng mga uhay.
  2. 24 At sinabi ng mga Pariseo sa kaniya, “Tingnan mo, bakit sila gumagawa ng bagay na ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?”
  3. 25 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong siya ay nangailangan at nagutom—siya at ang mga lalaking kasama niya?
  4. 26 Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kinain ang tinapay—na handog na hindi naaayon sa batas na kainin ng kahit na sino maliban sa mga pari—at binigyan pa niya ang kaniyang mga kasama?”
  5. 27 Sinabi ni Jesus, “Ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa para sa sangkatauhan, at hindi ang sangkatauhan para sa Araw ng Pamamahinga.
  6. 28 Kung gayon, ang Anak ng Tao ay Panginoon maging sa Araw ng Pamamahinga.”

Luk 6:1–5

  1. 1 Ngayon ay nangyari na sa Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay naglalakad sa triguhan at ang kaniyang mga alagad ay nangunguha ng mga uhay, ang mga ito ay kinikiskis sa kanilang mga palad at kinakain ang mga butil.
  2. 2 Ngunit sinabi ng ibang mga Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng isang bagay na labag sa kautusan na gawin sa Araw ng Pamamahinga?”
  3. 3 Sumagot si Jesus sa kanila na sinabi, “Hindi man lamang ba ninyo nabasa ang tungkol sa ginawa ni David nang siya ay magutom, siya at ang kaniyang mga kasamang kalalakihan?
  4. 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kinuha ang tinapay na handog at kumain ng ilan sa mga ito, at ibinigay din ang ilan sa kaniyang mga kasamang kalalakihan para kainin, kahit na ayon sa batas mga pari lamang ang pwedeng kumain.”
  5. 5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”