The Queen of Sheba
Banal na Bibliya (Tagalog ULB)
1Ki 10:1–13
- 1 Nang mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ni Yahweh, pumunta siya para subukin si Solomon sa pamamagitan ng mga mahihirap na tanong.
- 2 Dumating siya sa Jerusalem kasama ang isang napakahabang karawan, mga kamelyo na punong-puno ng mga pabango, maraming ginto, at maraming mga mamahaling bato. Nang siya ay dumating, sinabi niya kay Solomon lahat ng nasa loob ng kaniyang puso.
- 3 Sinagot ni Solomon lahat ng kaniyang mga katanungan. Wala ni isa man na kaniyang mga tanong ang hindi sinagot ng hari.
- 4 Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, ang palasyo na kaniyang itinayo,
- 5 ang pagkain sa kaniyang hapag-kainan at mga tirahan ng kaniyang mga lingkod at kanilang mga gawain at kanilang mga kasuotan, at saka mga taga-silbi niya ng inumin at ang paraan kung paano siya nag-alay ng mga handog na susunugin sa templo ni Yahweh, wala ng espiritu sa kaniya.
- 6 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga, ang balita na aking narinig sa sarili kong lupain tungkol sa iyong mga salita at iyong karunungan.
- 7 Hindi ko mapaniwalaan ang aking narinig hanggang sa dumating ako rito, at ngayon ay nakita ito ng aking mga mata. Wala pa pala sa kalahati ang nasabi sa akin tungkol sa iyong karunungan at kayamanan! Nahigitan mo ang katanyagan na aking nabalitaan.
- 8 Pinagpala ang iyong bayan, at pinagpala ang iyong mga lingkod na palaging nasa iyong harapan, dahil naririnig nila ang iyong karunungan.
- 9 Nawa ay purihin si Yahweh ang inyong Diyos, na nalulugod sa iyo, na siyang naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Dahil walang hanggang minahal ni Yahweh ang Israel, ginawa ka niyang hari, para gumawa ka ng katarungan at katuwiran.
- 10 Binigyan niya ang hari ng 120 talentong ginto at malaking halaga ng mga pabango at mga mamahaling mga bato. Wala nang mas higit pang halaga ng mga pabango tulad nitong mga ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon ay kailanman naibigay pa muli sa kaniya.
- 11 Ang mga barko ni Hiram, na nagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagdala rin mula sa Ofir ng napakaraming kahoy na algum at mga mamahaling bato.
- 12 Gumawa ang hari ng mga haligi gamit ang kahoy na algum para sa templo ni Yahweh at para sa palasyo ng hari, at mga alpa at mga lira para sa mga mang-aawit. Wala nang mas madami pang bilang ng kahoy na algum ang dumating o nakita pa muli hanggang sa araw na ito.
- 13 Ibinigay lahat ni Haring Solomon ang lahat ng maibigan ng reyna ng Seba, anuman ang hiniling niya, karagdagan sa mga ibinigay ni Solomon ayon sa kaniyang maharlikang kabutihang-loob. Kaya bumalik siya sa kaniyang sariling lupain kasama ang kaniyang mga lingkod.
2Ch 9:1–12
- 1 Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, pumunta siya sa Jerusalem upang subukin siya ng mga mahihirap na tanong. Dumating siya nang may napakaraming dala at kasama, mga kamelyo na may pasang mga pampalasa, maraming ginto, at maraming mamahaling bato.
- 2 Nang pumunta siya kay Solomon, sinabi niya sa kaniya ang lahat ng nasa kaniyang puso. Sinagot ni Solomon ang lahat ng kaniyang tanong; walang mahirap para kay Solomon; walang tanong na hindi niya nasagot.
- 3 Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at ang palasyo na kaniyang itinayo,
- 4 ang pagkain sa kaniyang mesa, ang ayos ng kaniyang mga lingkod, ang mga gawain ng kaniyang mga lingkod at ang kanilang kasuotan, gayundin ang kaniyang mga tagahawak ng saro at ang kanilang kasuotan, at ang pamamaraan ng kaniyang paghahandog ng handog na susunugin sa tahanan ni Yahweh, nawalan siya ng loob.
- 5 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang balita na narinig ko sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga salita at karunungan.
- 6 Hindi ako naniwala sa aking narinig hanggang sa nakarating ako dito at ngayon, nakita ito ng aking mga mata. Wala pa sa kalahati ang sinabi sa akin tungkol sa iyong karunungan at kayamanan! Nahigitan mo ang katanyagan na aking narinig.
- 7 Pinagpala ang iyong mga tao at ang iyong mga tagapaglingkod na palaging nakatayo sa iyong harapan dahil naririnig nila ang iyong karunungan.
- 8 Purihin si Yahweh na iyong Diyos na nalugod sa iyo at naglagay sa iyo sa trono upang maging hari ni Yahweh na iyong Diyos. Dahil mahal ng iyong Diyos ang Israel, ginawa ka niyang hari ng lahat upang patatagin sila magpakailanman upang gawin mo kung ano ang makatarungan at makatuwiran!”
- 9 Binigyan niya ang hari ng 120 talento ng ginto at napakaraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na nakatanggap si Haring Solomon ng kasing dami ng mga sangkap na ibinigay sa kaniya ng reyna ng Sheba
- 10 Ang mga lingkod ni Hiram at ang mga lingkod ni Solomon, na nag-uwi ng mga ginto mula sa Ofir ay nagdala rin ng mga kahoy na algum at mga mamahaling bato.
- 11 Gamit ang kahoy na algum, gumawa ang hari ng mga hagdan para sa tahanan ni Yahweh at para sa kaniyang tahanan, at ng mga arpa at liro para sa mga musikero. Walang pang nakikitang kahoy na katulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.
- 12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng gusto niya, anuman ang hiniling niya, na karagdagan sa kaniyang dinala sa hari. Kaya umalis siya at umuwi sa kaniyang sariling lupain kasama ang kaniyang mga lingkod.